Iginiit ni House Senior Deputy Minority Leader at Mamamayang Liberal Party-list Rep. Leila de Lima na hindi lumalabag sa Bank Secrecy Law ang impeachment proceedings ng House of Representatives kaugnay ng umano’y “suspicious” at “covered” financial transactions ni Vice President Sara Duterte.
Pahayag ito ni De Lima kasunod ng anunsyo ni Manases “Mans” Carpio, asawa ng Bise Presidente, na magsasampa siya ng kasong kriminal laban sa ilang opisyal ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), Anti-Money Laundering Council (AMLC), at mga miyembro ng House justice committee dahil sa umano’y paglabas ng confidential banking records.
Ayon kay De Lima, may karapatan si Carpio na magsampa ng kaso, ngunit nilinaw niyang ang impeachment proceedings ay isang “sui generis” o natatanging proseso ng pananagutan ng mga opisyal ng gobyerno at hindi saklaw ng Bank Secrecy Law.
Ipinaliwanag din niya na hindi direktang kumuha ang Kamara ng bank account records, kundi gumamit ng mga ulat mula sa AMLC hinggil sa “suspicious” at “covered transactions,” na obligadong i-report ng mga bangko sa ilalim ng umiiral na batas.
Sa ulat ng AMLC, natukoy ang bilyon-bilyong pisong transaksyon na konektado umano kina Duterte at Carpio mula 2006 hanggang 2025, kabilang ang mga kahina-hinalang galaw ng pera sa kanilang mga account.
Samantala, nanawagan si House human rights chair Bienvenido Abante Jr. kay Vice President Sara Duterte na humarap sa impeachment hearing sa Abril 29 upang sagutin ang mga alegasyon, at tiniyak na bibigyan siya ng due process sakaling dumalo.
Ayon naman kay House public accounts chair Terry Ridon, may sapat nang basehan para sa “probable cause” ng impeachment, at inaasahang boboto ang komite bago ito iakyat sa plenaryo ng Kamara at posibleng umusad sa Senado para sa paglilitis.














