NAGA CITY- Tuluyan ng kinasuhan ng Philipine National Police(PNP) ang ina ng tatlong bata na pinatay sa Brgy. Pinagwarasan, Basud, Camarines Norte.

Kasong three counts of paricide ang isinampa sa suspek na si Joan Magistrado, 28 anyos.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Naga kay Virginia Samante, ina ng nasabing suspek, sinabi nitong nakausap na nila ang kanyang anak at inamin mismo nito na siya ang pumatay sa mga bata.

Ayon kay Samante, base sa pahayag ng suspek inakala umano nito na nahawaan na siya ng coronavirus disease (covid-19) kung kaya naisipan na nitong magpakamatay at isinama ang tatlong anak dahil wala aniyang mag aalaga sa mga ito.

Dagdag pa ni Samante, bago ang naturang krimen, magkailang beses na aniyang nagsabi ang suspek na gusto na nitong magpakamatay.

Sa ngayon, nagpapagaling pa sa ospital ang suspek habang desidido namam ang mga kamag anak nito na ipagpatuloy ang kaso.