Inaasahan ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na maaaring lumampas sa 4% target inflation ng bansa hanggang 2027 dahil sa patuloy na epekto ng kaguluhan sa Middle East na nagpapataas ng presyo ng langis at pagkain.
Ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas, lumala ang outlook ng inflation dahil sa nagpapatuloy na alitan sa Middle East, kung saan tumataas ang global presyo ng langis at abono na agad ding nakaaapekto sa lokal na presyo ng fuel at pagkain. Dagdag pa ng BSP, patuloy din ang pagtaas ng core inflation na indikasyon ng mas malawak na presyur sa presyo sa ekonomiya.
Bilang tugon, itinaas ng central bank ang policy interest rate ng 25 basis points upang makatulong na mapigilan ang mabilis na pagtaas ng presyo at mapanatili ang stability ng ekonomiya.
Binalaan din ng BSP na maaaring lumampas sa 4% tolerance ceiling ang average headline inflation sa 2026 at 2027, habang tumataas ang inflation expectations na posibleng lalo pang magpalala ng presyur sa presyo.
Noong Marso, naitala ang inflation sa 4.1%, mas mataas kumpara sa 2.4% noong Pebrero. Ayon sa mga economic indicators, ang pagtaas ay dulot ng mahal na langis at paghina ng piso na may kaugnayan din sa tensyon sa Middle East.














