Lumubog ang Iranian warship na IRIS Dena matapos tamaan ng torpedo mula sa isang submarine ng United States Navy sa karagatan sa timog ng Sri Lanka, na ikinasawi ng hindi bababa sa 87 mandaragat at nagpalala sa umiinit na tensyon sa pagitan ng United States at Iran.

Kinumpirma ng mga opisyal sa Galle na dinala sa kanilang mga ospital ang mga bangkay matapos tumugon ang mga rescuer sa isang distress call mula sa lumubog na barko sa Indian Ocean.

Ayon sa ulat, nasa 32 katao ang nailigtas at agad na dinala sa ospital habang tinatayang mahigit 60 pa ang nawawala mula sa humigit-kumulang 180 na sakay ng frigate.

Sinabi ni Pete Hegseth, Defense Secretary ng United States, na isang torpedo mula sa American submarine ang tumama sa barko.

Advertisement

Ayon sa kanya, naganap ang insidente habang naglalayag ang Iranian warship sa international waters at inaakalang ligtas ito sa naturang lugar.

Samantala, agad namang nagsagawa ng search-and-rescue operations ang Sri Lanka Navy matapos matanggap ang distress call noong madaling araw.

Ayon kay Navy spokesman Commander Buddhika Sampath, una nilang namataan ang oil slick sa karagatan bago matagpuan ang ilang survivors na lumulutang sa tubig.

Sa video na inilabas ng Pentagon, makikita umano ang malakas na pagsabog sa hulihang bahagi ng barko na nagdulot ng pag-angat nito mula sa tubig bago tuluyang lumubog, bagaman hindi pa ito independiyenteng nabeberipika.

Batay sa mga ulat, ang IRIS Dena ay kagagaling lamang sa pakikilahok sa Milan Multilateral Naval Exercise na inorganisa ng India sa Bay of Bengal mula Pebrero 18 hanggang 25.

Ayon sa mga awtoridad ng Sri Lanka, naganap ang insidente sa labas ng territorial waters ng bansa ngunit patuloy silang tumutulong sa search-and-rescue operations para sa mga nawawala pang mandaragat.

Advertisement