Inaresto ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) si Jay Sonza nitong Huwebes ng gabi sa Quezon City matapos siyang maglabas ng umano’y mapanirang post tungkol sa kalusugan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ayon sa NBI, isinagawa ang pag-aresto sa bisa ng warrant na inilabas ng isang hukuman sa Pasay City kaugnay ng kasong unlawful publication o paglabag sa cybercrime law.

Sinabi ni NBI Director Melvin Matibag na ang kaso ay may kaugnayan sa umano’y pagpapakalat ni Sonza ng maling impormasyon tungkol sa Pangulo.

“Naaresto na po natin itong si Jay Sonza na na-isyuhan na po ng warrant ng RTC ng Pasay kaninang hapon,” ani Matibag, at idinagdag na ito ay may kinalaman sa pagkalat ng “fake news” tungkol sa Pangulo.

Advertisement

Ayon pa sa NBI, hindi maaaring magpiyansa si Sonza sa naturang kaso, at nagsisilbi umano itong babala laban sa pagpapakalat ng maling impormasyon online.

Matapos maaresto, sinabi ni Sonza na handa siyang dumaan sa proseso ng batas at ikinagulat niya ang pagkakaroon ng warrant, dahil aniya ay inaasahan niyang makakapagpiyansa siya.

“Hindi pa kasi may warrant kanina eh, so I am surprised they have a warrant tonight,” aniya, at iginiit na susundin niya ang legal na proseso.

Samantala, sinabi ng kanyang abogado na pupunta sila sa NBI upang tiyakin na maipagtatanggol ang kanyang mga karapatan bilang isang senior citizen at upang bantayan ang proseso ng kaso.

Advertisement