Inaprubahan ng House of Representatives ang House Resolution No. 905 na humihiling sa mga bangko at remittance centers na pansamantalang bawasan o alisin ang mga bayarin sa transaksyon para sa mga overseas Filipino worker (OFWs) sa Gitnang Silangan.

Layunin ng resolusyon na maibsan ang pinansyal na pasanin ng mga OFW at kanilang pamilya sa gitna ng tumataas na gastusin dulot ng tensyon sa Middle East, partikular ang pagmahal ng langis na nakaapekto sa presyo ng transportasyon, kuryente, at mga pangunahing bilihin.

Ayon kay House Majority Leader Sandro Marcos, mahalagang magpatupad ng pansamantalang hakbang upang makatulong sa mga Pilipinong apektado ng kasalukuyang sitwasyon sa rehiyon.

Binigyang-diin din sa resolusyon na bagama’t laganap na ang paggamit ng digital at online transactions, may kaakibat pa rin itong mga bayarin na dagdag pasanin sa mga manggagawa.

Advertisement

Sa pamamagitan ng resolusyon, hinihikayat ang mga institusyong pinansyal na agarang magpatupad ng fee relief upang masuportahan ang mga OFW sa gitna ng umiiral na krisis.

Advertisement