Isinusulong ng liderato ng House of Representatives of the Philippines ang panukalang batas na mag-aatas sa pamahalaan na agad na kumilos sa tuwing tataas ang presyo ng langis dahil sa tensyon sa Gitnang Silangan.
Inihain ninaSpeaker Faustino “Bojie” G. Dy III at House Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” A. Marcos ang House Bill No. 8834 o KALINGA Act, na layong magbigay ng proteksyon sa publiko laban sa biglaang pagtaas ng presyo ng langis at iba pang pangunahing bilihin.
Ayon sa mga may-akda ng panukala, hindi lamang ito emergency assistance kundi isang national protection framework na magpapabilis sa koordinadong tugon ng gobyerno sa pagtaas ng pamasahe, pagkain, kuryente, at iba pang bilihin na apektado ng oil price hikes.
Sinabi ni Marcos na sa ilalim ng panukala, magkakaroon ng malinaw na “trigger mechanism” at agarang aksyon at tulong sa oras ng pagtaas ng presyo ng langis.
Ipinunto naman ni Dy na kabilang sa KALINGA Act ang iba’t ibang component tulad ng fuel price stabilization, energy supply security at inventory management, targeted assistance, at suporta sa MSMEs at iba pang apektadong sektor.
Saklaw din ng panukala ang mga hakbang para sa energy conservation, demand reduction, at flexible fiscal at regulatory measures upang mapanatili ang katatagan ng ekonomiya.
Makikinabang dito ang mga tinatawag na vulnerable sectors tulad ng low-income households, underemployed workers, transport drivers, farmers, fisherfolk, MSMEs, at overseas Filipino workers (OFWs).
Ayon sa mga mambabatas, layunin ng KALINGA Act na makabuo ng komprehensibong mekanismo ng gobyerno upang tugunan ang fuel-driven inflation at maiwasan ang malawakang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.














