NAGA CITY-Natagpuan ang katawan ng isang mangingisda sa Mauban, Quezon.

Kinilala ang biktima na si alyas Tolits, nasa legal na edad, residente ng Sitio Quezon City, Brgy. Sadsaran, ng nabanggit na bayan.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Provincial Office, nakakuha aniya ng impormasyon ang Mauban Municipal Police Station alas 7:20 ng umaga na may nakuhang katawan ng isang lalake na posibleng nalunod, malapit sa Mauban Port sa Sitio Baling-Balingan, Brgy. Daungan ng nabanggit na bayan.

Base sa imbestigasyon ng mga awtoridad, ang biktima aniya ay fisherman crew member ng FB CA Xyramae, at ayon sa Kapitan nito ay hindi ito nagreport sa kanilang call time.

Nalaman na lang nila aniya na nakuhang lumulutang ang katawan ng kanilang crew member, at sinabing matagal nang mayroong epilepsy ang biktima.

Sa ngayon nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad tungkol sa nangyaring insidente.