Magkakaroon ng flexible work arrangements at hakbang sa pagtitipid ng enerhiya ang Supreme Court of the Philippines, kabilang ang apat na araw na on-site work at isang araw na work-from-home kada linggo, ayon sa inilabas na memorandum circular ni Chief Justice Alexander G. Gesmundo.
Ayon sa Memorandum Circular Number 02 Series of 2026, ang WFH ay nakatakda tuwing Biyernes sa kundisyon na 25 porsyento ng mga kawani lamang ang papasok. Binibigyan din ng kautusan ang mga presiding judge sa single-sala courts na pumili ng schedule: on-site mula Lunes hanggang Huwebes at WFH tuwing Biyernes, o on-site mula Martes hanggang Biyernes at WFH tuwing Lunes.
Para sa pairing courts, hindi maaaring magkapareho ang araw ng WFH. Sa multiple-sala courts naman, ipapatupad ang parehong apat na araw na on-site at isang araw na WFH kada linggo.
Mananatiling limang araw na on-site workweek ang ipinatutupad sa Sandiganbayan at Court of Tax Appeals. Sa first at second level courts, pareho rin ang work arrangement ngunit pinapayagan ang paggamit ng videoconferencing sa ilang pagdinig.
Kasama rin sa kautusan ang pagpapatupad ng energy conservation measures sa lahat ng korte at tanggapan ng hudikatura. Magkakabisa ang bagong patakaran simula ngayong Marso 9, 2026, hanggang sa maglabas ng panibagong direktiba ang SC.













