Iginiit ni Senator-Judge Panfilo Lacson na hindi niya susuportahan ang pagbubukas ng kahon ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na naglalaman ng mga tax record ni Vice President Sara Duterte at ng kanyang asawang si Atty. Manases Carpio kung wala itong nakasulat na pahintulot mula sa Pangulo, alinsunod sa itinatadhana ng batas.

Ayon kay Lacson, hindi siya maaaring makiisa sa anumang hakbang na posibleng lumabag sa umiiral na batas. Aniya, malinaw na nakasaad sa Sections 71 at 270 ng National Internal Revenue Code, gayundin sa mga umiiral na desisyon ng Korte Suprema, ang mga limitasyon sa paglalabas ng naturang mga dokumento.

Binigyang-diin din ng senador na walang sinuman ang nakahihigit sa batas, kabilang ang impeachment court na kasalukuyang dumidinig sa reklamo laban kay Vice President Duterte.

Nilinaw naman ni Lacson na ang kanyang posisyon ay hindi pagpanig sa depensa, kundi pagsunod lamang sa mga probisyon ng batas.

Advertisement
Advertisement