NAGA CITY- Dead on arrival ang isang lalaki matapos sumalpok ang sinasakyan nito sa puno sa Zone 4, Bgy Rizal, San Fernando, Camarines Sur.

Kinilala ang biktima na si Charlie Miraña, 23, residente ng San Mateo, Camaligan, sa nasabing lalawigan.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga mula sa Camarines Sur Police Provincial Office, nabatid na binabagtas ng biktima ang Minalabac-San Fernando Road patungong Maharlika highway sa Zone 4, Bgy Rizal, San Fernando, gamit ang kanyang sasakyan, nang mawala ito ng kontrol sa kurbadong bahagi ng kalsada dahilan upang bumangga ito sa isang puno sa tabi ng kalsada.

Dahil dito, nagtamo ng malalang sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktima at agad na dinala sa ospital para sa tulong medikal ngunit sa kasamaang palad ay idineklara itong dead on arrival ng doktor.

Sa ngayon ay patuloy pa ang isanasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa hinggil sa naturang insidente.