NAGA CITY – Patay ang isang lalaki habang sugatan naman ang live-in partner nito matapos na pagbabarilin sa Tiaong, Quezon.

Kinilala ang binawian ng buhay na si Michael Garcia, at ang sugatan na si Maricel Lanzon parehas 41-anyos, residente ng Sitio Pook, Brgy. Cabatang sa nasabing lugar.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, nabatid na habang nagtitinda ng isda ang mga biktima nang biglang dumating ang tatlong suspek sina Ruel alias Apong; Eugenio Fernando Panganiban, 43-anyos; at Roniel Nuñez Aguila, 39-anyos, residente ng nasabing bayan at nagpanggap na bibili ng isda.

Ngunit dito naman bumunot ng baril si Ruel at pinagbabaril ang mga biktima.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, napag-alaman na nagtamo ng tama ng bala ng baril sa iba’t-ibang bahagi ng kanilang katawan ang mga biktima na agad namang dila sa ospital ngunit tuluyan na ring binawian ng buhay si Garcia.

Samantala, agad namang tumakas sa makahoy na bahagi ng lugar ang mga suspek matapos ang nasabing krimen.

Sa kabila nito, napag-alaman na kasama rin sa Street Level Individual si Ruel habang dati namang naaresto sina Aguila at Panganiban dahil sa iligal na droga.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang isinasagawang hot pursuit operation ng mga awtoridad laban sa nasabing mga suspek.