NAGA CITY- Patay ang isang lalaki matapos na barilin ng armadong lalaki sa Pitogo, Quezon.

Kinilala ang biktima na si Leonilo Punayo, 43-anyos, residente ng Sitio 2, Barangay Dalampasigan sa nasabing bayan.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, nabatid na habang nasa loob ng kaniyang bahay ang biktima nang biglang dumating ang isang armadong lalaki at binaril sa harapang bintana ang biktima habang nagsilbi namang look-out ang isa pa nitong kasama.

Dahil dito, nagtamo ng tama ng bala ng baril sa kaniyang ulo ang biktima na dahilan ng agaran nitong kamatayan.

Samantala, patuloy pa ang pagtunton ng mga awtoridad sa mga salarin na tumakas matapos isagawa ang krimen.