Target ng Department of Energy (DOE) na tuluyang alisin ang System Loss Charge sa mga electricity bill ng mga consumer bago sumapit ang 2027.

Ayon kay Energy Secretary Sharon Garin, layunin ng ahensiya na maisakatuparan ang hakbang bago ang susunod na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., bilang bahagi ng programa ng pamahalaan na mapababa ang gastos sa kuryente.

Ang system loss charge ay ipinapataw upang mabawi ang halaga ng kuryenteng nawawala habang ipinapadala ito mula sa mga planta patungo sa mga kabahayan at negosyo. Kabilang dito ang technical losses na dulot ng pagkawala ng enerhiya sa transmission at distribution lines, gayundin ang non-technical losses gaya ng ilegal na koneksyon at mga depektibong metro.

Aminado si Garin na magiging hamon ang pagpapatupad ng plano. Aniya, bagama’t may kapangyarihan ang DOE na maglatag ng mga polisiya, maaari pa ring tumagal ang implementasyon, lalo na sa mga electric cooperative.

Advertisement

Upang maisulong ang inisyatiba, agad na makikipagpulong ang DOE sa Energy Regulatory Commission (ERC) at National Electrification Administration (NEA). Kabilang sa mga tatalakayin ang pagsusuri sa mahigit 100 electric cooperatives at private distribution utilities upang matukoy ang mga kinakailangang pamumuhunan na makatutulong sa pagpapababa ng recoverable system losses na kasalukuyang ipinapasa sa mga consumer.

Kapag ganap na naipatupad ang programa, tinataya ng DOE na maaaring bumaba ng lima hanggang sampung porsyento ang buwanang singil sa kuryente ng mga consumer, depende sa kanilang distribution utility.

Advertisement