NAGA CITY- Patay ang isang lalaki matapos makuryente sa Tigaon, Camarines Sur.

Kinilala ang biktima na si Robert Pante, 43-anyos, residente ng Zone 6, Brgy. Panagan, sa nasabing bayan.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Sur Police Provincial Offfice, napag-alaman na natagpuan na lamang ang wala ng buhay na katawan ng biktima sa likuran na bahagi ng kanilang bahay ng kanyang mismong live-in partner na kinilalang si Rio Basquiña, 34-anyos residente rin ng nasabing lugar.

Sa inisyal na imbestigasyon pa ng mga awtoridad, nabatid na bago ang aksidente kinukumpuni ng biktima ang electrical wirings ng kanilang bahay at aksidente umano na nahawakan nito ang live wire dahilan upang makuryente ito at naging dahilan rin nang agaran nitong kamatayan.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad patungkol sa nasabing insidente.