NAGA CITY – Patay ang isang lalaki matapos masagasaan ng truck sa Pamplona, Camarines Sur.

Kinilala ang biktima na si Donald Rey Vargas, 30-anyos, residente ng Ragay sa nasabing lalawigan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PCapt. Antonio Per ng Pamplona Municipal Police Station, sinabi nito habang nagbabyahe papunta sa Legazpi mula sa Calamba, Laguna ang truck na minamaneho ni Wilson Jolo, 36-anyos, residente ng Malinao Ibaba, Atimonan Quezon, ng mag overtake umano si Vargas gamit ang motorsiklo nito kung saan dito na nito nakabanggaan ang nasabing truck.

Dagdag pa ni Per, sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, napag-alaman na dahil dito, tuluyan ng nawalan ng kontrol si Vargas sa kanyang minamanehong motorsiklo hanggang sa sumemplang ito at masagasaan pa ng truck.

Kaugnay nito, ito na rin ang naging dahilan upang bawian ng buhay ang biktima.

Sa ngayon, nagpapatuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad hinggil sa nasabing insidente.