NAGA CITY – Patay ang isang lalaki matapos na pagbabarilin sa Tiaong, Quezon.

Kinilala ang biktima na si Emil Manatiga, 38-anyos, residente ng Sitio Bagong Pook, Brgy. Anastacia, sa nasabing munisipalidad.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na habang sakay sa kanyang motorsiklo ang biktima ng harangin ito ng hindi pa nakikilalang suspek at bigla na lamang umanong pinagbabaril gamit ang hindi pa malamang kalibre ng baril.

Dahil dito, nagtamo ng tama ng bala sa ulo ang biktima na naging dahilan ng agaran nitong pagkamatay.

Samantala, agad namang tumakas ang suspek matapos isagawa ang nasabing krimen.

Sa ngayon, nagpapatuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad maging ang pagtukoy sa motibo at posibleng pagkakakilanlan ng suspek.