NAGA CITY – Patay ang isang lalaki matapos pagbabarilin sa Candelaria, Quezon.

Kinilala ang biktima na si Christopher Perez, 25-anyos, residente ng Sitio Baloyboy, Brgy. Masin Sur, sa nasabing bayan.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na habang binabagtas ng biktima ang kahabaan ng Brgy. Baloyboy gamit ang kaniyang motorsiklo nang bigla na lamang umanong dumating ang hindi pa nakikilalang suspek at walang habas na pinagbabaril ang biktima.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, napag-alaman pa na dahil sa pangyayari ay nagtamo ng tama ng bala ng baril sa ulo at sa iba’t-ibang bahagi ng kaniyang katawan si Perez na naging dahilan ng kaniyang agarang kamatayan.

Samantala, nakuha naman sa pinangyarihan ng krimen ang pitong bala ng hindi pa malamang uri ng baril.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad lalo na ang pagtunton sa posibleng pagkakakilanlan at kinaroroonan ng suspek na agad tumakas matapos ang krimen.