Nakatanggap ang Pilipinas ng tinatayang USD3.4 billion o humigit-kumulang P210 bilyong investment pledges mula sa mga Japanese companies kasunod ng high-level business roundtable meeting ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Tokyo, Japan.
Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), inaasahang magbubukas ang naturang mga pamumuhunan ng libo-libong trabaho at magpapalakas sa industriya, turismo, at teknolohiya sa bansa.
Sa pulong kasama ang mga pangunahing Japanese business leaders, binigyang-diin ni Pangulong Marcos ang layunin ng Pilipinas na magkaroon ng mas matatag at mas integrated na economic partnership sa Japan sa gitna ng pandaigdigang hamon sa ekonomiya at supply chain.
Pinasalamatan din ng Pangulo ang mga Japanese companies na matagal nang namumuhunan sa Pilipinas kabilang ang Toyota, Mitsubishi, Panasonic, at All Nippon Airways, at kinilala ang kanilang ambag sa trabaho at industrial development sa bansa.
Bahagi ang naturang business roundtable sa apat na araw na state visit ni Pangulong Marcos sa Japan na layong palakasin ang economic cooperation, trade, investment, at defense ties ng dalawang bansa.













