Mariing tinutulan ni dating senador Leila de Lima ang panukalang payagan ang mga detained senators na makalahok sa sesyon ng Senado sa pamamagitan ng remote participation, dahil maaari umano itong magdulot ng hindi pantay na pagtrato at pabor sa mga mambabatas na may kinahaharap na mabibigat na kaso.

Sa panayam, sinabi ni De Lima na noong siya ay nakakulong mula 2017 hanggang 2023 kaugnay ng kasong droga na kalaunan ay ibinasura, hindi siya pinayagang dumalo sa mga sesyon ng Senado kahit sa pamamagitan lamang ng teleconferencing noong panahon ng COVID-19.

Ayon kay De Lima, kinailangan pa niyang humingi ng court order upang makalahok sa sesyon ngunit hindi ito pinagbigyan ng korte. Aniya, ipinagbawal din sa kanya noon ang paggamit ng cellphone, laptop, at iba pang electronic gadgets habang siya ay nasa kustodiya.

Dagdag pa niya, patuloy niyang ginampanan ang tungkulin bilang senador sa pamamagitan ng sulat-kamay na pagre-review at pag-eedit ng mga draft bills at resolutions na ipinapadala ng kanyang staff.

Advertisement

Giit ni De Lima, tila layunin umano ng panukala na payagan ang ilang senador na may kinahaharap na kaso, kabilang si Senador Ronald “Bato” dela Rosa, na makalahok pa rin sa mga sensitibong proseso tulad ng impeachment trial kahit wala sa Senado.

Binigyang-diin din niya na mahalagang personal na makita at marinig ng mga senador ang mga testimonya at ebidensya lalo na sa impeachment proceedings, at hindi ito dapat isagawa nang remote lamang.

Advertisement