NAGA CITY-Patay na nang matagpuan ang katawan ng isang lalaki sa madamong bahagi ng Sitio Bagong Look, Brgy. Madulao, Catanauan, Quezon.

Kinilala ang biktima na si Ernesto de Ramos Batario, 58-anyos, residente ng Brgy. Madulao, Catanauan, Quezon.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na pasado alas-5:00 ng umaga, noong Enero 6, 2024 habang naglalakad-lakad ang isang Maura Advincula Abella sa nabanggit na lugar nang makita nito ang biktima na nakahandusay sa madamong bahagi ng Sitio Bagong Look, Brgy. Madulao, at wala nang buhay.

Kaagad naman ng humingi ng tulong si Abella sa opisyal ng barangay ng lugar.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad nabatid na mayroong nakitang saksak ang biktima sa kaliwang parte ng kanyang dibdib.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad patungkol sa nabanggit na insidente lalo na ang pag-alam sa posibleng pagkakakilanlan ng salarin sa nasabing krimen.