NAGA CITY – Patay ang isang lalaki sa pananaksak sa Sitio Riles, Brgy. Antipolo, Sariaya, Quezon.

Kinilala ang biktima na si Modesto Masilang, 43 anyos, residente ng Brgy. Bucal, sa naturang bayan.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office (QPPO), napag-alaman na nag iinuman sina Masilang at ang suspek na si Rommel Ilagan, 33 anyos, residente ng Antipolo sa nasabing lalawigan kasama ang 2 pang indibidwal nang magkaroon ng mainit na pagtatalo ang biktima at ang suspek.

Matapos nito, umuwi si Ilagan sa kanilang bahay at nang bumalik ito, dito na nito pinagsasaksak si Masilang.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, nagawa pang makatakas ni Masilang papunta sa madamong lugar ngunit agad naman itong hinabol ni Ilagan kung saan pinagsasaksak pa ang biktima.

Agad namang dinala sa ospital si Masilang ngunit dineklara ring dead on arrival ng mga doktor.

Samantala, agad namang nahuli ang tumangkang tumakas na suspek matapos na may isang concerned citizen ang nagturo dito sa mga otoridad.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga otoridad ang suspek para sa karampatang disposisyon.