NAGA CITY- Sugatan ang isang lalaki matapos ang karambola ng tatlong sasakyan sa Brgy. Rizal, Tagkawayan, Quezon.

Kinilala ang biktima na si Cheric Marwin Tenoria, 23-anyos, residente ng Barangay Salawag Dasmarinas Cavite.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na minamaneho ni Tenoria ang kanyang kotse patungo sa Bicol nang biglang tumigil ang isang truck na nasa unahan nito dahilan upang kalabitin ni Tenoria ang break ng kanyang sasakyan.

Dahil naman sa pagpihit ni Tenoria, nawalan ng kontrol ang kasunod nitong bus dahilan upang mabangga nito ang likurang bahagi ng kanyang kotse at tuluyan na itong nakabangga sa truck.

Samantala, dahil naman sa insidente, nagtamo ng sugat sa kanyang katawan ang biktima na agad namang dinala sa ospital para sa asistensiya medikal.

Sa ngayon, nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa naturang insidente