NAGA CITY- Sugatan ang isang lalaki matapos pagtatagain sa Brgy. Kanlurang Domoit, Tayabas, Quezon.

Kinilala ang biktima na si Ronato Bueno Tañala, 48-anyos at residente ng naturang lugar.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, nabatid na nasa impluwensiya ng alak ang suspek na si Rico Valderama Diaz, 41-anyos at residente ng nasabing lugar ng pumunta ito sa bahay ni Tañala

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, nabatid na nagbitiw pa umano ito ng masasamang salita at pinagbantaan pa nito ang biktima.

Kaugnay nito, bigla na lamang umanong tinaga ni Diaz si Tañala gamit ang isang matulis na bagay na naging dahilan upang masugatan sa kanang bahagi ng kaniyang braso ang biktima na agad namang dinala sa ospital para sa asistensiya medikal.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga otoridad ang nasabing suspek at posibleng mapatawan ng kasong frustrated homicide dahil na rin sa naturang insidente.