NAGA CITY – Sugatan ang 29-anyos na lalaki matapos pagsasaksakin sa Camarines Norte.

Kinilala ang biktima na si Eric Bien, residente ng P-2, Barangay Lanot, Mercedes sa nasabing probinsiya.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Norte Police Provincial Office, sinasabing galing umano sa inuman ang biktima ng magkaroon ito ng mainit na argumento sa ina ng suspek at aksidente nitong naitulak ang ina ng suspek na ikinagalit nito kung kaya sinugod ng suspek ang biktima at pinagsasaksak.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, napag-alaman na nagtamo ng mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng kaniyang katawan ang biktima na agad naman dinala sa ospital para sa asistensya medikal.

Samantala, agad namang tumakas ang suspek na kinilalang si Eduardo Rodriguez Jr. na kasalukuyan namang pinahahanap ng mga otoridad.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga otoridad.