Umabot sa hanggang 3.8 kilometro ang ibinugang lava ng Bulkang Mayon sa Albay sa nakalipas na 24 oras, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ngayong Sabado, habang nananatili ang Alert Level 3 dahil sa patuloy na pag-aalboroto ng bulkan.

Ayon sa PHIVOLCS, mula ala-una ng madaling araw ng Biyernes hanggang ala-una ng madaling araw ng Sabado, ang lava flow sa Basud Gully ay umabot sa 3.8 kilometro. Samantala, umabot naman sa 3.2 kilometro ang daloy ng lava sa Bonga Gully at 1.6 kilometro sa Mi-isi Gully.

Nakapagtala rin ng episodic na minor strombolian activity at panandaliang lava fountaining sa bunganga ng bulkan. Bukod dito, naitala ang 39 na volcanic earthquakes, kabilang ang 21 volcanic tremor na tumagal mula 1 hanggang 44 minuto.

Naobserbahan din ang 376 rockfall events habang patuloy na nakikita ang crater glow sa mata lamang. Umabot sa 2,147 tonelada ng sulfur dioxide ang inilabas ng bulkan noong Biyernes, at ang mga usok ay umangat hanggang 200 metro bago tangayin sa direksiyong west-southwest, west-northwest, at west.

Advertisement

Patuloy na ipinatutupad ang Alert Level 3 (Intensified Unrest/Magmatic Unrest) sa Mayon Volcano. Paalala ng PHIVOLCS, mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa 6-kilometrong Permanent Danger Zone at ang paglipad ng sasakyang panghimpapawid malapit sa bulkan.

Nagbabala rin ang ahensya sa posibleng panganib tulad ng rockfalls, landslides, ballistic fragments, lava flows, pyroclastic density currents, malalakas na pagsabog, at lahar kapag may malakas at tuloy-tuloy na pag-ulan.

Advertisement