NAGA CITY- Patay ang isang lolo habang sugatan naman ang isa pa matapos mabangga ng isang Utility Vehicle Jitney sa Atimonan, Quezon.

Kinilala ang namatay na si Apolinario Liwanag Lomeda, 66-anyos at ang sugata na si Merlen Solbid Luna, 32-anyos, parehong residente ng Brgy. Malinao Ilaya sa nasabing bayan.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, nabatid na habang binabaybay ng nasabing behikulo na minamaneho ni Raul Villamena Epondo, 53-anyos residente ng Brgy. San Isidro ang Zigzag Road Brgy, Malinao Ilaya, patungong Plaridel Quezon, nang mawalan ito ng preno dahilan upang mawalan ito ng kontral at mabangga si Lomeda, na noo’y nasa gilid ng kalsada.

Nagpatuloy-tuloy ang pag-andar ng sasakyan habang sa mabangga rin nito ang bahay na pagmamay-ari ni Luna.

Dahil dito, nagtamo ng malalang injuries si Lomeda at sugatan naman si Luna na parehong dinala sa ospital ngunit sa kasamaang palad, idineklara na dead-on-arrival si Lomeda.

Sa ngayon ay nagpapatuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa nasabing insidente.