Naglabas ang Malolos Regional Trial Court (RTC) ng warrant of arrest laban sa contractor na si Pacifico “Curlee” Discaya, kanyang asawang si Cezarah “Sarah” Discaya, at siyam pang iba kaugnay ng kasong malversation through falsification of public documents na may kaugnayan sa umano’y kickback scheme sa mga flood control project.

Inilabas ang kautusan isang araw matapos magsampa ang Office of the Ombudsman ng mga kasong malversation at graft laban sa mag-asawang Discaya at sa kanilang mga kapwa akusado na sina Merg Jaron Laus, Brice Ericson Hernandez, Jaypee Mendoza, Ernesto Galang, Norberto Santos, Lorenzo Pagtalunan, Juanito Coronel Mendoza, Floralyn Simbulan, at Ma. Roma Angeline Rimando.

Ayon sa korte, walang itinakdang piyansa para sa 11 akusado.

Samantala, kinumpirma ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na nakatakdang ilipat si Curlee Discaya sa Bulacan sa Lunes, Hunyo 8.

Advertisement

Ang kaso ay may kaugnayan sa rehabilitasyon ng isang river construction structure sa Bulusan, Calumpit, Bulacan sa ilalim ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Contract ID No. 22CC0058.

Batay sa pahayag ni Assistant Ombudsman Mico Clavano, natuklasan sa isinagawang imbestigasyon ng Ombudsman ang umano’y seryosong paglabag sa mga umiiral na patakaran sa auditing at accounting ng pamahalaan.

Lumalabas din sa imbestigasyon na naiproseso at nabayaran nang buo ang dredging at embankment works kahit kulang umano ang mga kinakailangang dokumento at komputasyon na magpapatunay na naisagawa at natapos ang proyekto.

Dahil dito, pinaniniwalaang nakinabang nang hindi naaayon sa batas ang St. Timothy Construction Corporation ng humigit-kumulang P53.9 milyon, na nagresulta sa malaking pagkalugi sa pondo ng gobyerno.

Sa kasalukuyan, wala pang inilalabas na opisyal na pahayag ang kampo ng mga akusado kaugnay ng naging desisyon ng korte.

Advertisement