NAGA CITY – Patay na nang matagpuan ang mag-live in partner habang magkayakap sa loob ng kanilang kwarto sa bayan ng Calabanga, Camarines Sur.

Kinilala ang mga ito na sina Noel Palomares Jr., 35-anyos at Shiela Seña, 44-anyos, residente ng nasabing lugar.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Sur Police Provincal Office, napag-alaman na bago matagpuan na wala nang buhay ang nasabing mga indibidwal, nagkaroon muna ang mga ito ng mainit na pagtatalo.

Dahil dito, humingi ng tulong ang ama ng lalaki na si Noel Palomares Sr. sa mga awtoridad, ngunit pag dating ng mga ito sa tinitirahan ng dalawa, nakasarado na ang pintuan ng mga ito kung kaya pwersahan na itong binuksan ng mga awtoridad.

Dito naman na tumambad ang wala ng buhay na katawan nila Noel Jr. at Seña.

Sa inisyal na imbestigasyon mga awtoridad, napag-alaman na mayroong strangulation mark ng electrical cord ang leeg ni Seña habang mayroon namang laslas sa leeg ang lalaki.

Narekober naman sa crime scene ang kitchen knife na mayroon pang mga dugo.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa nasabing insindente.

Samantala, napag-alaman rin na dati nang nahuli ang suspek dahil sa ilegal na droga.