Niyanig ng malakas na lindol na may magnitude 7.0 ang timog na bahagi ng Mindanao ngayong alas-7:37 ng umaga.

Batay sa ulat ng PHIVOLCS, natukoy ang epicenter ng lindol sa 13 kilometro timog-kanluran ng General Santos City, na may lalim na 10 kilometro.

Pinakamalakas na naramdaman ang pagyanig sa General Santos City na umabot sa Intensity VII. Naitala naman ang Intensity VI sa Palimbang at Senator Ninoy Aquino sa Sultan Kudarat. Umabot sa Intensity V ang pagyanig sa Davao City, Kidapawan City, Carmen sa Cotabato, at ilang bayan sa Sultan Kudarat at Zamboanga del Norte.

Naramdaman ang Intensity IV sa Mati City, Buug, Caraga, Manay, at Tarragona, habang Intensity III naman sa Butuan City, Mainit, Dapitan City, at ilang lugar sa Zamboanga del Sur. Samantala, Intensity II ang naitala sa ilang bahagi ng Zamboanga del Norte, Zamboanga Sibugay, Leyte, at Southern Leyte.

Advertisement

Sa instrumental readings ng PHIVOLCS, naitala ang Intensity VII sa Koronadal City at Santa Maria, Davao Occidental; Intensity V sa Davao City; Intensity III sa Abuyog, Leyte; at Intensity II sa San Francisco at Dulag, Leyte.

Nagbabala ang PHIVOLCS na posibleng magkaroon ng mga aftershock sa mga susunod na oras o araw. Dahil dito, pinapayuhan ang mga residente na manatiling mapagmatyag, umiwas sa mga istrukturang maaaring napinsala ng lindol, at maghanda ng emergency kit upang matiyak ang kanilang kaligtasan.

Advertisement