NAGA CITY – Patay ang isang magsasaka habang sugatan naman ang kasama nitong barangay Chairman matapos tamaan ng kidlat sa Tayabas City.

Kinilala ang binawian ng buhay na si Romeo Sayam, 30-anyos at ang sugatan na si Hon. Rowell Cabuyao De La Torre, 37-anyos, kapwa residente ng Brgy. Ilayang Nangka sa nasabing lungsod.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na habang nagpapahinga si Sayam sa bahay ni De La Torre na nasa gitna ng palayan dahil sa malakas na ulan, nang bigla na lamang tamaan ng malakas na kidlat ang naturang bahay.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, napag-alaman na dahil sa insidente ay nagtamo ng mga sugat sa iba’t-ibang bahagi ng kanilang katawan an mga biktima na agad namang dinala sa ospital para sa asistensiya medikal.

Ngunit, sa kasamaang palad ay binawian din ng buhay si Sayam habang patuloy naman na nagpapagaling sa ospital si De La Torre.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa nasabing insidente.