Inanunsyo ni Energy Secretary Sharon Garin ang pagdating ng mahigit 300,000 barrels ng diesel na inangkat ng pamahalaan upang mapatatag ang suplay ng langis sa gitna ng krisis sa Gitnang Silangan.

Ayon sa kalihim ng Department of Energy (DOE), dumating na ang shipment na naglalaman ng 329,000 barrels o mahigit 52 milyong litro ng diesel mula Malaysia sa pamamagitan ng Philippine National Oil Company-Exploration Corporation (PNOC-EC).

Layunin ng naturang hakbang na palakasin ang imbentaryo ng langis ng bansa habang nagpapatuloy ang tensyon sa Middle East at nananatiling apektado ang pandaigdigang suplay ng enerhiya.

Ayon kay Energy Secretary Garin, bahagi ito ng estratehiya ng pamahalaan na mag-stock ng suplay habang hindi pa natatapos ang krisis sa rehiyon.

Advertisement

Dagdag pa niya, inaasahan pang darating ang karagdagang dalawang batch ng tig-300,000 barrels sa ikalawa at ikatlong linggo ng Abril, mula sa North Asia o India at Oman.

Kabuuang 900,000 barrels ng diesel ang inaasahang darating ngayong buwan, bahagi ng mas malaking order na 1.042 milyong barrels kung saan 142,000 barrels ang naunang dumating mula Japan noong Marso 26.

Ayon sa DOE, nananatiling sapat ang suplay ng bansa sa kabila ng paggalaw ng global oil market, habang patuloy ang monitoring sa stock levels upang matiyak ang energy security ng Pilipinas.

Advertisement