Umakyat na sa mahigit 900 ang bilang ng suspected Ebola cases sa Democratic Republic of Congo (DR Congo) habang pinaigting ng mga awtoridad ang surveillance efforts laban sa pagkalat ng sakit, ayon sa World Health Organization (WHO).
Ayon kay WHO Director-General Tedros Adhanom Ghebreyesus, nasa mahigit 900 na ang suspected cases ng Ebola sa bansa, kung saan 101 dito ang kumpirmadong kaso.
Sa ulat nitong weekend, kinumpirma rin ng health ministry ng DR Congo na umabot na sa 204 ang nasawi dahil sa viral disease na naitala sa tatlong probinsiya ng central African country.
Matatandaang noong Mayo 15 nang ideklara ng WHO ang Ebola outbreak sa Congo na sanhi ng Bundibugyo strain.
Ayon sa WHO, wala pang aprubadong bakuna o gamot laban sa naturang strain ng Ebola virus.
Ang Ebola ay isang nakamamatay na sakit na naipapasa sa pamamagitan ng direktang kontak sa bodily fluids ng infected na indibidwal.
Maaari itong magdulot ng severe bleeding, organ failure, at iba pang malubhang komplikasyon na maaaring ikamatay ng pasyente.














