NAGA CITY – Nasamsam ng mga awtoridad ang nasa mahigit P1-M na halaga ng pinaniniwalaang shabu sa isinagawang buy-bust operation ng mga awtoridad sa isang drug personality sa Pagbilao, Quezon.

Kinilala ang suspek na si Ronnie Rocela Señor alyas “Sabog”, 35-anyos, residente ng Sitio Kalawit Ibayo Brgy. Pinagbayan sa nasabing bayan.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na nakabili sa suspek ang nagpanggap na posuer buyer ng isang piraso ng heat-sealed transparent plastic sachet ng nasabing iligal na droga gamit ang nasa kabuuang P14,000 na buy bust money.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, napag-alaman na maliban dito, nakumpiska pa kay Señor ang siyam na sachet ng pinaniniwalaang shabu na may bigat na 51 grams at nagkakahalaga ng nasa P1,040,400.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang suspek para sa karampatang disposisyon.