NAGA CITY- Tinangay ng mga hindi pa nakikilalang suspek ang nasa P144,500 na halaga ng mga kagamitan at cash sa isang bahay sa Zone 2, Carangcang, Magarao, Camarines Sur.

Kinilala ang biktima na si Shirly Naradulla, 65-anyos, residente ng nasabing lugar.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Sur Police Provincial Office (CSPPO) , napag-alaman na pinasok ng hindi pa nakikilalang suspek ang bahay ng biktima habang natutulog ito.

Kung saan, pinaniniwalaang nakapasok at nakalabas ang suspek sa pamamagitan ng nakabukas na sliding glass window.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, napag-alaman na tinangay ng suspek ang isang unit ng laptop, apat na unit ng cellphone na nagkakahalaga ng nasa P76,000 cash na nagkakahalaga ng P8,500, mga gold plated na alahas na nagkakahalaga ng nasa P60,000.

Sa ngayon, patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa nasabing insidente gayundin ang pagtunton sa posibleng pagkakakilanlan at pagkakaaresto ng nasabing suspek.