Sinimulan na ng Sandiganbayan ang main trial sa kasong malversation laban kay dating Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. at iba pang akusado kaugnay ng umano’y ghost flood control project sa Pandi, Bulacan na nagkakahalaga ng ₱92.8 milyon.
Ayon kay Associate Justice Ronald Moreno, pinayagan ng korte ang mosyon ng prosekusyon na muling ipatawag si Jason Cruz, records custodian ng Department of Public Works and Highways (DPWH), upang tumestigo sa kaso.
Sinabi naman ni Prosecutor Maria Cristina Marallag-Batacan na ihaharap ni Cruz ang isang logbook na naglalaman ng mahahalagang ebidensya kaugnay ng mga proyekto na sentro ng imbestigasyon.
Ang kaso ay non-bailable at nag-ugat sa umano’y maanomalyang flood control project sa Bulacan.
Inaasahan namang ilalabas ng korte ang resolusyon sa bail petition ni Revilla sa Mayo 6.
Nauna nang itinanggi ng dating senador ang mga alegasyon laban sa kanya, at bagamat nakapagpiyansa na siya sa kasong graft, nananatili siyang nakakulong dahil sa kinahaharap na malversation case.












