Nanindigan ang Malacañang na si Senate Office of the Sergeant-at-Arms (OSAA) acting chief at retiradong Police Major General Mao Aplasca ang unang nagpaputok umano ng warning shots sa nangyaring tensyon sa pagitan ng OSAA at mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) noong Miyerkules ng gabi.

Sa press briefing, sinabi ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro na walang ginawang pag-atake ang mga ahente ng NBI sa insidente.

Ayon kay Castro, nakita umano ng OSAA ang presensya ng mga operatiba ng NBI sa GSIS area malapit sa Blue Guard kaya agad itong naghanda.

Dagdag pa niya, nang dumating umano si Aplasca sa tulay na nag-uugnay sa GSIS premises at Senado, kinausap nito ang isang opisyal ng NBI na nakaupo kasama ang Blue Guard.

Advertisement

Dito umano nagpakilala ang mga tauhan ng NBI bilang bahagi ng kanilang operasyon.

Gayunman, ayon sa Palasyo, si Aplasca umano ang unang nagpaputok ng warning shot na sinundan naman ng warning shot mula sa isang NBI agent.

Ipinaliwanag din ni Castro na inilagay ang mga operatiba ng NBI sa paligid ng GSIS bandang alas-6 ng gabi matapos humiling si GSIS President at General Manager Wick Veloso ng karagdagang seguridad para sa gusali.

Ang bahagi ng GSIS property ay inuupahan ng Senado, habang ang tulay na nagkokonekta sa dalawang tanggapan ay may pintuan mula sa panig ng Senado at ang susi nito ay nasa pangangalaga ng OSAA.

Advertisement