Epektibo ngayong Martes, Hunyo 23, ipinatupad ang malaking rollback sa presyo ng produktong petrolyo, ayon sa Department of Energy (DOE).
Bumaba ang presyo ng gasolina ng P3.90 hanggang P5.90 kada litro, habang ang diesel naman ay may bawas na P9.04 hanggang P11.04 kada litro. Nasa P9.82 hanggang P11.82 kada litro rin ang rollback sa kerosene.
Ayon sa DOE, dulot ang pagbaba ng presyo ng pag-stabilize ng pandaigdigang merkado ng langis kasunod ng positibong developments sa usapin sa pagitan ng Estados Unidos at Iran.
Matatandaang noong nakaraang linggo ay nagkaroon din ng bahagyang rollback sa presyo ng diesel at kerosene.
Gayunman, nananatiling mas mataas ang presyo ng mga produktong petrolyo kumpara noong simula ng taon. Batay sa tala ng DOE, nasa mahigit P47.02 kada litro pa rin ang net increase sa gasolina ngayong taon, habang mahigit P39.71 kada litro naman sa diesel at P37.30 kada litro sa kerosene.
Samantala, tiniyak ng ahensya na sapat ang suplay ng langis sa bansa. Batay sa pinakahuling datos noong Hunyo 19, 2026, ang kabuuang imbentaryo ng produktong petrolyo ay katumbas ng 43.86 araw na suplay.
Kabilang dito ang 43.75 araw na suplay para sa gasolina, 40.42 araw para sa diesel, 128.96 araw para sa kerosene, 68.30 araw para sa jet fuel, 38.21 araw para sa fuel oil, at 42.86 araw para sa liquefied petroleum gas (LPG).












