Magpapatupad ang mga kumpanya ng langis ng malaking bawas-presyo sa diesel na aabot sa P12.94 kada litro simula ngayong Martes, Abril 28, 2026, ayon sa Department of Energy (DOE).
Ayon kay Energy Secretary Sharon Garin, magiging epektibo ang bagong price adjustment mula Abril 28 hanggang Mayo 4, 2026. Dahil dito, inaasahang bababa ang presyo ng diesel sa pagitan ng P75.93 hanggang P101.96 kada litro, depende sa lokasyon at brand ng gasolinahan.
Mas malaki rin ang magiging rollback sa kerosene na nasa P15.71 kada litro, na magbibigay-ginhawa sa mga konsyumer lalo na sa sektor ng transportasyon at kabahayan.
Gayunman, taliwas sa diesel at kerosene, magkakaroon naman ng bahagyang dagdag-presyo sa gasolina. Para sa Research Octane Number (RON) 97, tataas ito ng P0.53 kada litro, kung kaya’t inaasahang aabot sa P79.79 hanggang P104.93 kada litro ang retail price nito.
Ipinaliwanag ng DOE na ito na ang ikatlong sunod na linggong rollback sa diesel, bunsod ng pagbabago sa pandaigdigang suplay ng langis kasunod ng kasunduan sa tigil-putukan sa pagitan ng U.S.-Israel at Iran.
Matatandaang mula Pebrero 28, sunod-sunod ang naging pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo dahil sa tensyon at digmaan sa Gitnang Silangan na nakaapekto sa global oil supply.













