Maglulunsad ng tatlong araw na nationwide transport strike ang transport group Manibela mula Abril 15 hanggang 17, bunsod ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis at umano’y kawalan ng sapat na aksyon ng pamahalaan.
Ayon kay Manibela Chairman Mar Valbuena, inaasahang lalahok sa kilos-protesta ang humigit-kumulang 500,000 jeepney drivers, motorcycle taxi riders, at ride-hailing app drivers sa buong bansa, kabilang ang pagtitipon sa isang gas station sa Philcoa, Quezon City.
Giit ni Valbuena, labis na naaapektuhan ang kita ng mga drayber, na sinasabing umaabot na lamang sa ₱150 hanggang ₱200 kada araw matapos ibawas ang gastos sa diesel.
“Makakabuhay po ba ng pamilya ito?” tanong ni Valbuena, na binigyang-diin ang hirap ng mga drayber na may binubuhay na pamilya, pinapaaral na anak, at may mga gastusing medikal.
Kinondena rin ng grupo ang Department of Transportation (DOTr) at Department of Energy (DOE), na anila ay nagbibigay lamang ng “band-aid solutions” tulad ng fuel subsidies at Service Contracting Program, na umano’y hindi pa rin natatanggap ng ilang operators.
Ayon pa kay Valbuena, dapat umanong kumilos nang mas agresibo ang gobyerno sa pagpapababa ng presyo ng langis, at iginiit na dapat ibalik sa ₱55 kada litro ang fuel prices at suspendihin ang excise taxes.
“Gigigisa niyo kami sa sarili naming langis,” aniya, sabay panawagan sa DOE officials na magbitiw kung hindi nila makokontrol ang patuloy na pagtaas ng presyo.
Sinabi rin niya na nakikiisa ang ilang transport groups, bagama’t ang iba ay maaaring magdaos na lamang ng “transport holiday” dahil sa mga regulasyon.
Nagbabala ang grupo na ang strike ay tugon sa umano’y mabagal na aksyon ng pamahalaan sa krisis sa presyo ng langis na patuloy na nagpapahirap sa sektor ng transportasyon.














