Hinimok ni Senador Francis Pangilinan ang pamahalaan na magbigay ng mas mataas na subsidiya sa mga magsasaka at mangingisda kasabay ng patuloy na pagmahal ng produktong petrolyo sa pandaigdigang merkado na iniuugnay sa lumalalang tensyon sa Gitnang Silangan.
Ayon sa senador, mahalagang palakasin ang tulong pinansyal para sa sektor ng agrikultura at pangingisda dahil sila ang unang naaapektuhan ng pagtaas ng presyo ng krudo na ginagamit sa produksyon at pangingisda.
Iminungkahi rin ni Pangilinan ang pansamantalang pagsuspinde sa excise tax ng mga produktong petrolyo upang maibsan ang dagdag na gastos ng mga mamamayan.
Ipinaliwanag niya na kung ipatutupad ang hakbang na ito, posibleng bumaba ng tinatayang P6 kada litro ang diesel, habang maaaring umabot sa P10 kada litro ang ibaba ng presyo ng unleaded gasoline at liquefied petroleum gas (LPG). Maaari rin aniyang bumaba ng nasa P5 kada litro ang kerosene.
Samantala, nagpahayag ng pagkabahala ang senador sa P3,000 na cash aid na nakalaan para sa mga mangingisda mula sa P75 milyong pondo ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, na nasa ilalim ng Department of Agriculture. Aniya, hindi sapat ang nasabing halaga para matugunan ang pangangailangan ng sektor sa gitna ng patuloy na pagtaas ng gastusin.
Dagdag pa niya, kahit madoble pa ang ayuda sa humigit-kumulang P6,000 hanggang P7,000 ay maaaring hindi pa rin ito sapat kung mananatiling mataas ang presyo ng langis.
Iminungkahi rin ni Pangilinan na maaaring kunin ang karagdagang pondo mula sa P10 bilyong Presidential Assistance to Farmers and Fisherfolks na nakapaloob sa General Appropriations Act of 2026.
Kasabay nito, hinimok ng senador ang BFAR na agad maglabas ng mga alituntunin upang maipamahagi na ang tulong sa mga benepisyaryo, matapos lumabas ang ulat na may ilang mangingisda na nagbabawas ng araw ng pangingisda dahil sa mahal na krudo.













