Itutuloy ng developer ng luxury upland project na Monterazzas de Cebu ang konstruksyon nito matapos alisin ng Cebu City Government ang suspension at cease-and-desist order laban sa proyekto, kasunod ng mga inspeksyon at independent investigation.
Ayon sa Mont Property Group, ang pagpapatuloy ng proyekto ay bunga ng naging pagsusuri ng lokal na pamahalaan at mga kaukulang ahensya na nagresulta sa pagbawi ng naunang pagpapatigil sa konstruksyon. Nauna nang sinuspinde ng lungsod ang proyekto dahil sa mga alegasyon ng paglabag at umano’y koneksyon nito sa matinding pagbaha noong pananalasa ng Bagyong Tino.
Giit ng developer, hindi konektado ang daloy ng tubig mula sa kanilang proyekto patungo sa mga binahang lugar tulad ng Liloan, Cotcot, at Mananga dahil magkakaiba umano ang watershed ng mga ito. Batay ito sa pag-aaral ng University of the Philippines Institute of Environmental Science and Meteorology.
Ipinunto rin ng kumpanya na mayroon silang 18 detention ponds na ginawa bago pa man ang bagyo upang kontrolin ang daloy ng tubig-ulan mula sa kabundukan. Ayon sa kanila, mas malaki pa ang kapasidad ng mga ito kaysa sa orihinal na nakasaad sa kanilang Environmental Compliance Certificate.
Dagdag pa ng Mont Property Group, nagdagdag sila ng lima pang detention ponds at inayos ang ilan na nasira matapos ang bagyo. Sinabi rin ng kanilang legal counsel na nakumpleto nila ang mga kinakailangang dokumento para sa Environmental Management Bureau at naipasa na ito sa konseho ng lungsod.
Samantala, sinabi ng kumpanya na handa silang magsagawa ng legal na hakbang laban sa mga online na disimpormasyon na kumakalat tungkol sa proyekto. Ayon sa kanila, may ilang post na umano’y digitally altered o kinuha sa maling konteksto.
Sa kasalukuyan, nasa humigit-kumulang 60 porsyento nang tapos ang proyekto.














