Nagtala ng panibagong volcanic activity ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) sa Mayon Volcano matapos maobserbahan ang minor strombolian activity nitong Huwebes ng gabi.
Ayon sa PHIVOLCS, naganap ang aktibidad bandang 11:02 p.m. at nakuhanan ng close-up video ng Mayon Volcano Observatory at Quick Response Team.
Sa naturang video, makikitang nagbuga ng usok at abo ang bunganga ng bulkan na umabot sa tinatayang 100 metro ang taas bago tangayin patungong west-southwest.
Sa kabila nito, nananatili sa Alert Level 3 ang Mayon Volcano, na nangangahulugang may posibilidad ng biglaang pagputok.
Dahil dito, mahigpit pa ring ipinagbabawal ang pagpasok sa loob ng 6-kilometer Permanent Danger Zone upang maiwasan ang panganib sa mga residente at mga rumerespondeng tauhan.














