Binigyang-diin ni Professor Danilo Arao ng UP Diliman College of Media and Communication ang kahalagahan ng responsable, maingat, at beripikadong pag-uulat sa mga sensitibong insidente, partikular sa mga kasong kinasasangkutan ng mga menor de edad.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Prof. Danilo Arao, UP Diliman College of Media and Communication, sinabi nito na mahalagang maihatid agad sa publiko ang impormasyon, ngunit dapat iwasan ang pagpapakalat ng body-camera footage, livestream, at iba pang detalyeng maaaring magdulot ng sensationalism o copycat incidents. Dapat ding protektahan ang privacy ng mga menor de edad at bigyan ng sapat na espasyo ang mga pamilyang naapektuhan ng insidente.

Iginiit din pa ni Arao na kailangang tiyaking beripikado ang lahat ng datos bago ito ilabas sa publiko. Dapat umasa ang mga mamamahayag sa opisyal na sources at lehitimong adult witnesses upang maiwasan ang maling impormasyon. Mahalaga rin ang papel ng newsroom sa gatekeeping at fact-checking, dahil hindi sapat ang pagiging mabilis sa pag-uulat kung hindi naman tama ang impormasyong inilalabas. Kapag nagkaroon ng pagkakamali, nararapat itong agad na itama at, kung kinakailangan, humingi ng paumanhin sa publiko.

Hinikayat naman ni Arao ang media na higit na pagtuunan ng pansin ang investigative at explanatory reporting kaysa sa mga detalyeng maaaring magpalala ng sensationalism o magbigay-daan sa copycat behavior. Aniya, mas mahalagang suriin ang mga sistemikong problemang kinakaharap ng sektor ng edukasyon, tulad ng kakulangan sa classrooms, guro, guidance counselors, at iba pang kinakailangang suporta para sa mga estudyante. Sa ganitong paraan, mas mauunawaan ng publiko ang mga ugat ng mga suliraning may kaugnayan sa school violence.

Advertisement

Binigyang-diin din niya na hindi dapat pisikal na anyo ang maging pangunahing batayan sa pagpili ng mga mamamahayag. Mas mahalaga ang malinaw na komunikasyon, kakayahang maghatid ng impormasyon, kaalaman, integridad, at seryosong pagganap sa tungkulin. Samantala, lehitimo rin aniya ang constructive criticism mula sa mga opisyal at publiko, ngunit dapat itong gawin nang hindi nilalabag ang press freedom at freedom of expression. Kung may pagkakamali ang media, dapat itong itama at ipaliwanag; kung tama naman ang ulat, dapat itong panindigan.

Pinapaalala ni Arao na mahalagang maging responsable ang media sa bawat yugto ng news-gathering at dissemination process. Sa mga sensitibong insidenteng may kinalaman sa mga menor de edad, higit na kinakailangan ang pag-iingat, masusing beripikasyon, paggalang sa privacy, at pag-iwas sa sensationalism. Sa pamamagitan ng wastong gatekeeping at ethical journalism, makatutulong ang media sa pagbibigay ng tama at makabuluhang impormasyon habang napoprotektahan ang mga biktima, pamilya, at publiko.

Advertisement