NAGA CITY- Maswerteng nakaligtas ang isang media personnel maging ang pamilya nito matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek ang bahay nito sa Labo, Camarines Norte.

Kinilala ang biktima na si Rodel Paquita, 45-anyos, residente ng Purok-1 Barangay Cabusay sa nasabing bayan.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Norte Police Provincial Office, nabatid na habang nasa loob ng kaniyang bahay ang biktima at matutulog na nang makarinig ito ng tatlong putok ng baril.

Matapos ito, nakita na lamang ng biktima na may butas ang kaniyang bubong.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad napag-alaman na nakita umano ng kapitbahay ni Paquita ang isang motorsiklo na tumigil sa tapat ng bahay ng biktima at nagpaputok ng baril at agad na tumakas sa di malamang direksyon.

Sa ngayon, patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad hinggil sa insidente gayundin ang pagtukoy sa posibleng pagkakakilanlan ng suspek.