NAGA CITY- Patay ang isang menor de edad na lalaki matapos malunod sa Tayabas, Quezon.

Kinilala ang biktima na isang 3 taong gulang, residente ng Barangay Gumihan, Infanta, Quezon.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, nabatid na nakatanggap ng tawag an Tayabas Municipal Police Station hinggil sa nasabing insidente.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, nabatid pa na natagpuan na lamang na wala ng buhay ang katawan ng bata sa loob ng isang water container sa labas ng construction workers barracks.

Ayon sa ina ng biktima, naglalaro umano ng mag-isa ang kanyang anak sa labas ng barracks kung saan, posibleng nahulog ang bata sa water container. 

Sa ngayon ay nagpapatuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad lalo na sa pag-alam kung meron bang foul play sa insidente.

Kaugnay nito, nagpaalala naman ang mga awtoridad na huwag hahayaang maglaro ng mag-isa ang kanilang mga anak upang maiwasan ang kahalintulad na insidente.