NAGA CITY- Nagpaabot ngayon ng pakikiramay ang lokal na pamahalaan ng lungsod ng Naga at mga malalapit na kaibigan ng pamilya Robredo kaugnay ng pagkamatay ng ina ni Vice President Leni Robredo na si dating Dean Salvacion ‘Sally’ Gerona.

Sa impormasyong ipinaabot ni Camarines Sur 3rd District Rep. Gabby Bordado sa Bombo Radyo Naga , isa sa malapit na kaibigan ng naturang pamilya, sinabi nitong nasa Maynila siya nang matanggap ang naturang nakakalungkot na balita.

Ayon kay Bordado, nagawa na rin ni Gerona ang lahat ng kabutihan kung kaya deserve na rin nito na magpahinga sa ngayon.

Maliban kay Bordado, kanya-kanya na rin ng pagpapaabot ng pagdamay ang mga opisyal sa lungsod ng Naga sa naulilang pamilya ni Gerona.

Nabatid na ibuburol ang mga labi ni Gerona sa Eternal Chapels and Mortuary, Eternal Gardens sa Balatas Road, Naga City.

Si Gerona ang una nang naconfine sa Mother Seton Hospital dahil sa iniindang sakit na hindi na isinapubliko pa ng pamilya.

Ang ina ng Bise Presidente ang asawa ng dating Regional Trial Court Judge na si Antonio Gerona Sr.

Naging Dean ng College of Education at Graduate School at nagsilbi ring Vice President for Academics ng Universidad De Sta. Isabel sa naturang lungsod.