Patuloy na nagtipon ang mga tagasuporta ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa sa labas ng Senado ngayong Huwebes ng madaling-araw, ilang oras matapos ang insidente ng putukan sa loob ng gusali na nagdulot ng tensyon at panic sa kapitolyo.

Bandang alas-4 ng umaga, nananatili pa rin sa pangunahing gate ng Senate of the Philippines ang ilang grupo ng supporters na nagsabing mananatili silang nakabantay upang ipakita ang kanilang suporta sa senador.

Mas kaunti umano ang presensya ng pulisya kumpara sa nakaraang gabi, bagama’t ayon sa Southern Police District ay umabot sa humigit-kumulang 1,500 personnel ang na-deploy upang tiyakin ang kapayapaan at kaayusan sa paligid ng Senado.

Sa kabila ng tensyon, nanatiling kalmado ang sitwasyon sa labas ng gusali habang may ilang pulis at media personnel na naka-standby habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa insidente ng putukan sa loob.

Advertisement

Kabilang sa mga naroon si Astravel Pimentel-Naik, PDP-Laban Membership Committee head, na tinawag na “victory” ang nangyari at iginiit na nanindigan ang Senate majority bloc laban sa agarang pag-aresto kay Sen. Ronald “Bato” dela Rosa.

“Masaya tayo kasi hindi nanaig ang mga kalokohan na ginagawa nila laban sa ating mga senador,” pahayag niya, sabay sabing ipagpapatuloy nila ang pagbabantay sa labas ng Senado.

Dagdag pa niya, mahalaga umano na sundin ang legal na proseso sa anumang hakbang laban sa senador at iginiit na handa si Dela Rosa na sumunod sa batas.

Samantala, si Onin Canopin, founder ng Duterte Riders Supporters, ay nagsabing tatlong araw na silang nasa labas ng Senado upang ipakita ang kanilang suporta, at nanawagan sa publiko na ituon ang pansin sa legal na proseso sa halip na pulitika.

Patuloy namang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang pinagmulan ng mga putok sa loob ng Senado, habang wala pang inilalabas na karagdagang detalye hinggil sa mga responsable sa insidente.

Advertisement