Ipinahayag ni Sen. Erwin M. Tulfo na isusulong ng minority bloc ang mas mahigpit na pagtatanong sa naganap na putukan sa loob ng Mataas na Kapulungan, hindi lamang sa mismong insidente kundi maging sa umano’y kakulangan sa transparency ng ilang institusyon.
Ayon sa senador, kailangang maimbestigahan nang maayos ang insidente upang luminaw kung ano talaga ang nangyari, lalo na’t may magkakaibang bersyon umano ng pangyayari mula sa iba’t ibang panig.
Dagdag pa ni Tulfo, may nagsasabing hindi ito “stage” o palabas, habang may iba namang nagsasabing planado ang insidente. Aniya, maging ang National Bureau of Investigation (NBI) ay nagsasabing hindi sila lumusob, kaya’t kinakailangang malinawan ang mga salaysay dahil hinihintay ng publiko ang katotohanan.
Isa rin sa kaniyang itatanong ang umano’y pagtanggi ng Senado na tanggapin ang suspensyon kay Senate Sergeant-at-Arms Mao Aplasca at ang subpoena para sa CCTV footage ng insidente mula sa Office of the Ombudsman. Giit niya, mahalagang makipagkooperasyon ang mga institusyon sa imbestigasyon.
“Ang CCTV dapat i-turn over. Kung nasa pulis na, dapat ipaliwanag sa Ombudsman. Huwag nating pigilan ang imbestigasyon,” ani Tulfo.
Kinuwestiyon din ng senador ang umano’y “warning shot” na umabot ng 27 putok, at kung bakit tila pawang mula sa panig ng Senado ang mga ebidensya habang wala umanong nailalabas mula sa kabilang panig.
Binanggit din niya na dapat ay pinayagan ang media na makapag-cover sa insidente upang mas maging malinaw ang aktuwal na pangyayari.
Sa huli, iginiit ng senador na marami pang tanong ang kailangang sagutin at dapat magpatuloy ang parallel investigation ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at iba pang ahensya.














