Ramdam ang mainit at matinding suporta ng Filipino community kay Philippine representative Bea Milan Windorski sa ika-75 edisyon ng Miss Universe na ginaganap sa San Juan, Puerto Rico.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Jessie Geroy | Bombo International News Correspondent in Puerto Rico, ibinahagi nito ang kapansin-pansing mainit na pagtanggap at paghanga ng mga manonood kay Windorski sa gitna ng kompetisyon.
Ayon kay Geroy, hindi lamang mga Pilipino ang nagpapakita ng suporta sa pambato ng bansa, kundi maging ang mga Latin American pageant enthusiasts na kabilang sa mga nanonood ng prestihiyosong patimpalak.
Sa kabila ng pagkakasakit at pagkawala ng boses bago ang preliminary competition, nagawa pa rin umano ni Windorski na magpakita ng mahusay, matatag at kumpiyansang performance sa entablado.
Kabilang din ang pangalan ng kandidata sa mga inaabangan sa ilang international pageant rankings. Gayunman, inaasahang magiging mahigpit ang kompetisyon, partikular sa mga kandidata mula sa Puerto Rico, Venezuela at Chile.
Binigyang-diin naman ni Geroy na higit pa sa hangaring maiuwi ang korona, nais din ni Windorski na maipakilala sa pandaigdigang entablado ang mayamang kulturang Pilipino, talento ng mga lokal na artisan, at mga adbokasiyang kaniyang isinusulong, kabilang ang pagtataguyod sa karapatan ng LGBTQIA+ community.
Kaugnay nito, nanawagan siya sa publiko na patuloy na suportahan si Windorski sa pamamagitan ng pagboto at pagpapakita ng positibong paghikayat habang buong pagmamalaking kinakatawan nito ang Pilipinas sa nasabing pandaigdigang kompetisyon.








